Ano ang Ginagawa ng EPA para Tugunan ang Ethylene Oxide at Malaman ang Iba pa Tungkol sa Kemikal
(Kaugnay na impormasyon sa Tagalog)
PAUNAWA: Karamihan ng mga link sa page na ito ay Ingles ang nilalaman.
Habang patuloy ang misyon ng EPA na protektahan ang kalusugan ng tao at kapaligiran, ang pagtugon sa ethylene oxide (EtO) ay isang prayoridad para sa Agency. Samantalang kinokontrol ng EPA ang EtO sa ilalim ng ilang iba’t ibang batas na pangkapaligiran, ang mga pagsisikap ng Agency ngayon na bawasan ang epekto ng kemikal na ito ay nahahati sa dalawang pangunahing kategorya: mga pagbuga ng EtO sa hangin at paggamit ng EtO bilang isang pesticide.
Muling pinag-aaralan ng EPA ang kasalukuyan nitong mga regulasyon sa hangin na naglilimita sa dami ng EtO na pinakakawalan ng ilang uri ng industriya sa hangin sa labas para matukoy kung mapapatindi pa ang mga pamantayang legal tungkol sa pagbubuga ng EtO sa hangin. May mga paraan para mabawasan ng industriya ang mga pagbuga, at nakikipagtulungan ang EPA sa mga kapartner ng ahensya tungkol sa hangin sa estado, lokal at tribo at sa mga kumpanya para matukoy ang mga oportunidad na bawasan ang mga pagbubuga nang mas mabilis kaysa sa maaaring makamit ng mga pambansang regulasyon.
Binubuo rin ng Agency ang mga kinakailangan sa pagbabawas ng peligro sa pesticide para protektahan ang mga manggagawa na gumagamit ng EtO at ang mga taong nakatira sa mga komunidad sa paligid. Dagdag pa rito, ang EPA ay regular na nagbibigay ng impormasyon sa mga ahensya ng estado tungkol sa pagsukat ng EtO sa hangin. Nagsasagawa at sumusuporta rin ang Agency sa pagsasaliksik para mapahusay ang ating kakayahang sukatin ang EtO sa hangin sa labas.
Muling pinag-aaralan ng EPA ang mga regulasyon sa Clean Air Act para sa mga industriyang nagbubuga ng EtO sa hangin
Simula noong 2018, bilang bahagi ng isang dalawang-bahaging pamamaraan sa pagbabawas ng mga pagbubuga ng EtO, muli nang pinag-aaralan ng EPA ang mga regulasyon nito sa Clean Air Act para sa mga pasilidad na nagpapakawala ng kemikal sa hangin sa labas. Ang mga uring ito ng regulasyon ay kilala bilang National Emissions Standards for Hazardous Air Pollutants, o NESHAP. Ang mapanganib na mga pollutant sa hangin ay kilala rin bilang “mga lason sa hangin.”
Sinimulan na ng Agency ang pag-aaral nito nang may dalawang tuntunin:
-
Ang tuntunin sa mga lason sa hangin para sa Miscellaneous Organic Chemical Manufacturing, na kadalasa’y tinatawag na “ang MON.”
Ang tuntuning ito ay angkop sa mga halamang lumilikha ng mga kemikal. Matapos magdaos ng isang “muling pag-aaral sa peligro at teknolohiya,” naglathala ang EPA ng isang panghuling tuntunin noong Agosto 2020 na nangangailangan ng karagdagang mga kontrol sa ilang kagamitan at proseso na nagbubuga ng ethylene oxide para bawasan ang peligro sa mga komunidad sa paligid at protektahan ang kalusugan ng publiko.
Maraming planta ng mga kemikal ang sakop ng maraming tuntunin tungkol sa mga lason sa hangin. Basahin ang MON.
-
Ang tuntunin tungkol sa mga lason sa hangin para sa mga Ethylene Oxide Commercial Sterilizer.
Ayon sa utos ng Clean Air Act, kinokontrol ng EPA ang mga pagbubuga ng EtO mula sa maraming commercial sterilizer. Muling pinag-aaralan ng Agency ang tuntuning ito, na itinatag noong 1994 at huling in-update noong 2006. Isang muling pag-aaral ng teknolohiya sa tuntunin, na iniuutos sa batas, ang nararapat. Sa isang muling pag-aaral ng teknolohiya, susuriin ng EPA ang mga pag-unlad sa mga gawi, proseso at teknolohiya sa pagkontrol mula noong 2006, na isinasaalang-alang ang gastos at posibilidad, at tinutugunan din ang anumang dati nang mga punto sa pagbubuga na hindi nakontrol. Bilang bahagi ng muling pag-aaral ngayon sa tuntuning ito, nakagawa na ng ilang hakbang ang EPA na kailangan para makabuo ng isang panukala, kabilang na ang pagkuha ng datos at impormasyon tungkol sa mga pagbubuga ng EtO, pagsasaayos ng kagamitan at mga proseso, at mga posibleng estratehiya sa pagkontrol. Dagdag pa rito, dahil halos sangkapat ng mga sterilizer na napapailalim sa tuntunin ay maliliit na negosyo, ang EPA ay inutusan sa batas na tumawag ng isang Small Business Advocacy Review Panel, na kinabibilangan ng mga pakikipag-usap sa mga kinatawan ng maliliit na kumpanya para maunawaan ang mga potensyal na epekto ng tuntunin sa maliliit na negosyo. Kinumpleto ng EPA ang pulong na ito ng maliliit na negosyo noong Abril 2021. Kapag nag-iisyu ang EPA ng isang ipinanukalang tuntunin, ipinapakita ito ng Agency sa publiko, upang magkaroon ng oportunidad ang publiko na muling pag-aralan ito at magsumite ng mga komento. Inaasahan ng EPA na makapag-isyu ng isang panukala sa 2022. Basahin ang iba pang impormasyon tungkol sa Mga Pamantayan sa mga Pagbubuga ng Ethylene Oxide para sa mga Pasilidad sa Sterilization.
Nagsimula na rin ang Agency na muling pag-aralan ang mga tuntunin nito para sa ilang karagdagang kategorya ng sektor na pinagmumulan ng mga kemikal, kabilang na ang Synthetic Organic Chemicals Manufacturing Industry, Polyether Polyols Production, at Chemical Manufacturing Area Sources. Kumplikado ang paggawang ito ng mga tuntunin, na maaaring abutin ng ilang taon para makumpleto.
Ang EPA ay nakikipagtulungan sa mga ahensya ng estado tungkol sa hangin para mabawasan ang mga pagbubuga ng EtO
Ang responsibilidad sa pamamahala sa kalidad ng hangin sa U.S. ay pinaghahatian ng EPA at ng mga ahensya ng estado, lokal at tribo tungkol sa hangin. Nagsisikap ang ilang estado na tugunan ang EtO sa kanilang mga nasasakupan – kadalasa’y mas mabilis kaysa sa magagawa ng proseso ng EPA sa paggawa ng tuntunin. Halimbawa, sa Georgia, nakipagtulungan ang estado sa dalawang commercial sterilizer sa Atlanta, na nakapag-install ng kagamitan para mabawasan nang malaki ang mga pagbubuga ng EtO. Sa Illinois, nag-install ang isang commercial sterilizer ng isang makabagong teknolohiya sa mga kontrol ng polusyon ayon sa utos ng isang bagong batas sa estado. At sa Missouri, isang commercial sterilizer ang boluntaryong nag-iinstall ng mga kontrol sa polusyon. Ang EPA naglaan ng teknikal na suporta sa mga ahensya tungkol sa hangin bilang bahagi ng gawain nito. Dagdag pa rito, ang EPA ay nakikipag-ugnayan sa mga ahensya tungkol sa hangin para ibahagi sa mga komunidad ang mga peligro mula sa matagalang pagkalantad sa EtO sa hangin sa labas.
Nagsisikap ang EPA na mabawasan ang epekto ng EtO sa mga manggagawa
Samantalang ang OSHA ang ahensyang pederal na nagpoprotekta sa mga manggagawa mula sa mga pagkalantad sa masasamang sangkap sa kanilang pinagtatrabahuhan, nagsisikap din ang EPA na mabawasan ang epekto ng EtO sa mga manggagawa sa pamamagitan ng muling pagsusuri sa mga tuntunin sa pagrerehistro para sa paggamit ng EtO bilang isang sterilant, na itinuturing na isang uri ng pesticide.
Ang mga tatak ng pesticide, na bahagi ng pagrerehistro ng isang pesticide at legal sa ilalim ng Federal Insecticide, Fungicide and Rodenticide Act (FIFRA), ay may kasamang mga direksyon at babala na nagsasabi kung sino ang maaaring gumamit ng isang pesticide, gayon din kung saan, paano, gaano karami, at gaano kadalas ito maaaring gamitin. Ang mabigong sundin ang nasa tatak ay isang paglabag sa batas pederal. Ang 2020 draft risk assessment ng Office of Pesticide Programs ng EPA para sa ethylene oxide ay ipinapasya na may mga peligro ang paglanghap ng EtO na dapat ipag-alala at kailangan ang karagdagang mga hakbang sa pagbabawas dito para maprotektahan ang kalusugan ng mga manggagawa at ng mga komunidad sa paligid.
Itinuturing ng EPA na kritikal ang EtO sa pag-sterilize ng mga kagamitang medikal at kailangan para maprotektahan ang kalusugan ng publiko. Ayon sa Food and Drug Administration (FDA), ang EtO lamang ang magagamit na pamamaraan sa sterilization para sa maraming medikal na gamit. Humigit-kumulang 50 porsiyento ng lahat ng medikal na gamit ay nililinis gamit ang EtO sa Estados Unidos taun-taon. Ang paglilinis gamit ang EtO ay isa ring pangunahing pamamaraang ginagamit sa pag-sterilize ng mga halamang gamot at pampalasa. Tinataya ng industriya ng mga pampalasa na humigit-kumulang 32 porsiyento ng mga halamang gamot at buong pampalasa ay nililinis gamit ang EtO taun-taon.
Ang pagbabawas sa mga peligro sa kalusugan ng tao ay isang pokus ng EPA sa muling pag-aaral sa pagrerehistro ng pesticide na gumagamit ng EtO. Sa kasalukuyan, hinihingi sa mga tatak ng EtO na magsuot ang mga manggagawa ng proteksyong damit at proteksyon sa paghinga. Ang iminumungkahing pansamantalang desisyon, na siyang susunod na hakbang sa muling pag-aaral sa proseso ng pagrerehistro, ay magpapanukala ng karagdagang partikular at detalyadong mga hakbang sa pagbabawas ng pagkalantad ng mga manggagawa at komunidad sa EtO. Ang publiko ay magkakaroon ng oportunidad na magkomento sa iminumungkahing desisyon.
Lahat ng dokumentong may kaugnayan sa pagtatasa ng EPA sa paggamit ng EtO bilang isang pesticide ay makukuha sa docket EPA-HQ-OPP-2013-0244 sa www.regulations.gov. Alamin ang iba pa tungkol sa pagtatasa ng EPA sa paggamit ng EtO bilang isang pesticide.(sa Tagalog)
Pagpapahusay ng ating pagkaunawa sa EtO at ang mga tool para tulungan tayong alamin ang iba pa tungkol doon
Kasalukuyang mga pagsisikap sa pagsubaybay sa hangin
Nitong huling mga taon, nagsagawa ang ilang ahensya ng estado tungkol sa hangin ng pagsubaybay sa hangin para sa EtO na malapit sa kilalang mga pinagmumulang industriya na nagpapakawala ng EtO sa hangin sa labas. Tiwala ang EPA sa mga resulta ng pagsubaybay sa EtO na mas matataas ang konsentrasyon -- mga konsentrasyon na lubhang mas mataas sa minimum na antas ng EtO na matutuklasan ng kasalukuyang mga pamamaraan sa pagsukat. Kabilang dito ang mga konsentrasyong tulad ng mga sinukat sa ilalim mismo ng mga pinagmumulang industriya na walang makabagong teknolohiya sa pagkontrol.
Sinusubaybayan din ng EPA at ng iba pang mga ahensya ang EtO sa ilang lokasyon sa dalawang matagal nang mga network sa pagsubaybay na ginagamit para sundan ang mga takbo ng nakalalasong mga pollutant sa hangin (ang mga network na ito ay hindi nakatutok sa partikular na mga pinagmumulang industriya). Gayunman, ang ilang resulta ng pagsubaybay na ito ay nagpakita ng mas mababa pang mga tindi ng konsentrasyon—mas malapit sa antas ng pamamaraan sa pagtuklas—at hindi gaanong tiwala ang EPA sa datos na ito. Samantalang ipinahihiwatig ng mas mabababang antas na ito ng EtO na may antas ng “pinagmulan” ng EtO sa hangin sa labas, hindi pa nakatitiyak ang EPA tungkol sa eksaktong mga antas ng pinagmumulan ng EtO dahil sa kawalan ng katiyakan sa kasalukuyang mga pamamaraan ng pagsukat. Alamin ang iba pa tungkol sa ginagawa ng EPA sa pag-unawa sa mga antas ng pinagmumulan ng Ethylene Oxide.
Pagsasagawa ng pagsasaliksik para mas maunawaan at masukat ang EtO
Ang EPA ay nagsasaliksik ng mga paraan para mapaghusay ang ating kakayahang sukatin ang EtO sa hangin sa labas. Ang pagsasaliksik na ito ay makakatulong na mapaghusay ang pagsukat sa pinagmumulan ng mga pagbubuga ng EtO (tulad ng mga pasilidad ng industriya) at pagsukat ng mga konsentrasyon ng EtO sa hangin sa labas. Ang pag-unawa kung gaano karami at nasaan ang EtO sa hangin ay isang mahalagang hakbang sa pagtulong sa mga komunidad na magkaroon ng higit na pagkaunawa sa peligro sa kanila at sa pagbabawas ng mga pagbubuga para maprotektahan ang kalusugan. Tutulungan din tayo nitong matukoy ang potensyal na mga pinagmumulan ng EtO. Ang mga layunin sa pagsasaliksik na ito ay para:
- Masukat ang EtO sa iba’t ibang antas, kabilang na sa mga konsentrasyon na mas mababa kaysa posibleng sukatin ngayon sa pinagmumulan ng mga pagbubuga ng EtO at sa hangin sa labas.
- Maglaan ng kakayahang magsuri nang real-time para sukatin ang EtO nang tuluy-tuloy o halos tuluy-tuloy, kumpara sa 12- at 24-na-oras na kakayahang magsuri sa kasalukuyang pamamaraan.
- Sukatin ang EtO sa mga lugar na interesado sila para matukoy ang potensyal na mga pinagmumulan nito.
- Paghusayin ang mga kakayahang maging halimbawa upang mas maunawaan kung paano nakikipag-ugnayan ang EtO sa iba pang mga pollutant sa hangin sa himpapawid at matantiya ang paggalaw at pagkalat ng EtO sa kapaligiran.
Pagpapalawak ng mga kinakailangan sa pag-uulat para sa mga pasilidad sa sterilization
Nangangako ang EPA na palawakin ang pag-uulat sa Toxics Release Inventory (TRI) tungkol sa EtO para maisama ang kinontratang mga pasilidad sa sterilization na gumagamit ng EtO na hindi kasalukuyang kinakailangang iulat ang impormasyong ito sa EPA. Sa ilalim ng Emergency Planning and Community Right-to-Know Act (EPCRA) Section 313(b)(2)EXIT, nasa EPA Administrator ang awtoridad na magpasyang magpaabot ng mga kinakailangan sa pag-uulat sa partikular na mga pasilidad batay sa tindi ng nakakalasong mga kemikal, sa lapit ng pasilidad sa iba pang mga pasilidad na nagpapakawala ng kemikal o sa mga sentro ng populasyon, sa anumang nangyaring mga pagpapakawala ng kemikal sa pasilidad, o sa iba pang mga bagay na itinuturing ng Administrator na nararapat.
Noong Disyembre 2021, naglabas ng desisyon ang EPA na nagpapaabot ng mga kinakailangan ng TRI sa pag-uulat para sa EtO sa 29 na pasilidad. Kailangan ding mag-ulat ang ilan sa mga pasilidad para sa ethylene glycol. Basahin ang pabatid ng Federal Register na nagpapahayag ng desisyong ito. EXIT Dapat magsimula ang mga pasilidad na ito na subaybayan ang dami ng kanilang mga aktibidad at pagpapakawala ng kemikal at iba pang mga paraan ng pagtatapon ng basura noong Enero 2022 at, kung nararapat, magsumite ng datos ng TRI simula sa 2023.
Para alamin ang higit pa: https://www.epa.gov/toxics-release-inventory-tri-program/epas-discretionary-authority-extend-tri-reporting-requirements
Ang TRI ay isang mapagkukunan ng kaalaman tungkol sa taunang mga pagpapakawala ng kemikal, paraan ng pagtatapon ng basura, at mga aktibidad ng paghadlang sa polusyon na iniulat ng halos 21,000 pasilidad ng industriya at pederal.
Ang mga manggagawa sa mga kinontratang pasilidad sa sterilization na gumagamit ng EtO at ang mga komunidad kabilang na ang mga komunidad na hindi gaanong napaglilingkuran sa buong kasaysayan – na nakatira malapit sa mga pasilidad na ito ay posibleng pinakamataas ang peligro na malantad sa EtO. Ang pagbibigay ng mas maraming impormasyon tungkol sa mga pagpapakawala ng EtO ay magpapaalam sa mga komunidad na nakatira malapit sa mga pasilidad na ito at tutulong sa ahensya na matukoy at matugunan ang anumang mga banta sa kalusugan ng tao at sa kapaligiran na maaaring maging sanhi ng mga pagpapakawalang iyon. Ang pangangailangang iulat sa TRI ang mga pagpapakawala ay mas nagbibigay ng kamalayan sa mga kumpanya tungkol sa kanilang paggamit at pagbubuga ng mga pollutant, at maaaring humantong sa pagkatuklas ng mga kumpanya ng mga paraan para mabawasan ang mga pagbubugang iyon.